Linggo, Oktubre 15, 2017

Sugpuin Ang Paglaganap Ng Fake News


Habang lumilipas ang panahon ay mas dumarami ang bilang ng mga Pilipinong gumagamit ng internet at social media. Sa bilis ng daloy ng mga impormasyong ating nababasa, may paraan pa ba upang malaman kung tama at totoo ang mga ito?

Ayon sa Veritas 846, noong 2016 ay tinatayang mahigit 54 milyong Pilipino (o kalahati ng ating populasyon) ang gumagamit ng internet. Tunay ngang naging parte na ng ating pang-araw-araw na buhay ang internet at social media dahil mapa-bata man o matanda ay maaaring gumamit—kahit saan, kahit kailan.

Hindi na nga maikakaila ang lawak ng sakop ng internet, lalo na't maaaring maging tulay ang mga social media platforms tulad ng Facebook at Twitter upang madaling maipakalat ang mga impormasyon at balita. At ang “fake news” ang pinakamagandang halimbawa nito. Fake news ang tawag sa mga balitang gawa-gawa lamang at ipinakakalat sa internet ng mga tinatawag na “trolls”. Ngunit paano nga ba mapipigilan ang patuloy na pagkalat ng mga nasabing fake news?

Narito ang ilan sa mga hakbang na dapat tandaan upang kilalanin ang fake news:

Una, i-check ang source kung reliable.
Maging mapanuri. Kung ang pinanggalingan ng balita at/o impormasyon ay isang paskil lamang mula sa isang tao, pahina sa Facebook, at Twitter, tignan kung “reliable” ba ang source na kaniyang pinagkunan. Dahil hindi lahat ng source ay may mapagkakatiwalaang balita. Kung website naman, siguruhing hindi maaaring i-edit basta-basta ng kahit na sino ang mga impormasyong nakasaad doon.

Pangalawa, tignan sa source kung tama ba ang nabasang balita.
Huwag agad maniniwala sa iyong nabasa. Kailangan mong patunayan sa iyong sarili na totoo ang nakasaad sa balitang iyong nakalap. At kung sakali mang mapatunayan mong peke ang balita, mas makakabuting wag na itong ikalat.

At panghuli, maging responsable sa paggamit ng social media.
Bago tayo mag-share o mag-like ng nababasa natin sa Facebook, alamin muna natin kung saan nagmula ang mga ito. Sabi nga sa isang palabas, “think before you click”. Kung hindi tayo mag-iingat ay siguradong magiging tulay tayo sa pagpapakalat ng kasinungalingan at hindi lamang tayo ang mapapahamak, kung `di pati na rin ang mga taong makababasa ng maling balitang ating ipinakalat.

Hindi natin masisisi ang trolls sa pagpapalaganap ng mapanira at mapanlinlang na impormasyon laban sa ibang tao—lalo na sa mga kandidato dahil ang pagkilos ay nasa ating mga kamay. Kung magiging matalino at responsable tayo sa paggamit ng social media, tiyak na masusugpo natin ang pagkalat ng fake news.

**ang blog post na ito ay lahok para sa Saranggola Blog Awards (www.sba.ph) sa Espesyal na Kategorya.



  1. Cutural Center of the Philippines - http://culturalcenter.gov.ph
  2. Device Philippines - http://device.ph


8th Street


“MADAM CHAR, puwede n'yo po bang hulaan kung magkaka-lablayp na ako?” bungad ng isang lalaki na sa tantiya ko'y nasa mid-20's ang edad.

“Hindi pa,” mabilis kong sagot na ikinatigal naman niya. “Ah! Ang kong ibig sabihin...maupo ka.” Pagkaupo niya ay inilahad ko ang aking palad. “Akin na ang kamay mo.”

Pumikit ako habang hinahaplos ang kaniyang palad. Ang daming kalyo. “Ano pong nakikita n'yo, Madam Char?”

“Base sa nababasa ko sa `yong palad, hindi ka na magkaka-lablayp.”

“Ha? Bakit naman po?!”

“Manalamin ka na lang! Tinitiyak ko sa `yong malalaman mo ang sagot sa tanong na `yan.”

“Gano'n po ba? Sige po, salamat!” Nag-abot siya ng singkwenta pesos kaya napaangat ako ng tingin. Bagama't hndi niya naman nakikita ang reaksyon ko dahil hindi nakasuot ako ng maskara, mukhang nadali niya ang gusto kong ipunto. “Pasensiya na, Madam Char. Ipambibili ko pa kasi ng salamin itong natira, e. Babye!”

Kumaripas ng takbo ang ugok kaya napapikit na lang ako nang mariin. “Kuripot! Madapa ka sana!”

Wala pang isang minuto nang makaalis ang kuripot na `yon ay narinig ko ang bahagyang paglangitngit ng pinto, hudyat na may nagbubukas. Napangiwi na lang ako nang makitang si Hannah ang iniluwa niyon.

“Oy, babae! Kanina pa kita tinatawagan! Bakit hindi mo sinasagot?! Tuloy tayo sa 8th Street ngayon kaya maggayak ka na!”

Bigla akong nanigas sa sinabi niya. “A-Ano? Tuloy pa rin tayo ro'n?! Alam mo, masama talaga ang pakiramdam ko sa fieldtrip na `yan, e! Sa dinami-rami ng lugar na puwedeng pasyalan, sa 8th Street pa talaga?! Seryoso?”

“Alam mo? Talagang sasamain ka sa `kin kapag hindi ka pa nag-ayos diyan! Go! Tayo na!”

“Oo na, oo na! Kikilos na ako!”

8th Street. Isa sa mga lugar sa Pilipinas na pinakapinangingiligan ng marami dahil sa mga ghost sightings at apparition. Madalas daw kasing may naririnig na iyak ng babae, tunog ng kadenang hinihila, at yabag ang mga taong malapit sa lugar na `yon kaya wala nang nangtaka pang manirahan doon. `Yong mga taong nagtangka nga raw na tumira doon ay hindi nagtagal at umalis din agad.

Pero sa kabila ng mga kuwentong `yon ay ang mayamang kasaysayan na nakabaon sa lugar. Iyon daw kasi ang ginawang kuta ng mga guerilla noong kasagsagan ng Panahon ng mga Hapon.

Bago ako lumabas sa maliit kong puwesto ay tinext ko muna si Mama na matatagalan ako ng uwi dahil sasama pa ako sa field trip at `yong kinita ko ngayong araw sa pagiging manghuhula ang ipandaragdag kong pambayad. Gagawan kasi namin ng article ang lugar na `yon at kung hindi ako sasama ay wala akong grade. Running for valedictorian pa naman ako at asang-asa si Mama na kaya ko iyong gawin, hindi ko siya bibiguin.

“Kumusta raket mo?” Si Hannah lang ang nakakaalam ng tungkol sa “part-time job” ko.

“Ayos lang naman, kahit medyo matumal.” Kibit-balikat kong sagot habang nakatunghay lang sa bintana ng bus.

Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwalang sa 8th Street kami pupunta. Nagagalak ako na kinakabahan.

NAALIMPUNGATAN AKO dahil sa sunod-sunod na pagkatok sa bintana kung saan ako nakaharap ngayon. Pupungas-pungas akong humarap sa epal na nambulabog ng tulog ko nang makita kong isa itong babaeng nakasuot ng itim na belo at duguan ang mukha. May tumutulo pang sariwang dugo sa hawak niyang chainsaw.

Tila nanigas ako sa aking kinauupuan at nawala ang antok ko sa aking nakita. Gusto kong gumalaw pero hindi ko magawa. Shit! Katapusan ko na ba?

Tatakbo na sana ako palayo nang bigla siyang bumunghalit ng tawa at tinanggal ang suot niyang itim na belo. Naibagsak niya pa ang hawak niyang chainsaw sa lupa habang nakahawak sa kaniyang tiyan dahil sa katatawa.

Doon ko lang siya nakilala. “Damn you, Hannah!”

Kakaibang lamig ang sumalubong sa pagbaba namin ng bus. Nag-aagaw na rin ang liwanag at dilim sa kalangitan. Kahit naka-jacket ako ay damang-dama ko pa rin ang lamig na nagdadala ng kilabot sa aking kalamnan. Nakapangingilabot.

Walang pinagkaiba ang 8th Street sa ibang mga eskinita. Tahimik at payapa ang lugar at walang mga sasakyang dumaraan dahil tago ito. Masasabi kong swak na swak ang lugar para sa horror film. May mangilan-ngilan ding punong Balete sa lugar at nagkalat ang mga tuyot na dahon sa paligid. Wala ring ibang tao bukod sa amin. 

“All eyes here, Diamond!” tawag ni Mrs. Salinas sa aming advisory class niya. “Sa ngayon, maaari na muna kayong maglibot-libot dito pero huwag kayong lalayo. Mamayang alas kuwatro, kailangan nandito na kayo.”

Sumagot naman kami at nagsimula nang maglibot-libot sa paligid. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin pinapansin si Hannah dahil sa ginawa niya kanina, halos mamatay na ako sa takot pero prank lang pala ang lahat.

Nakatitig lang ako sa kawalan nang marinig ko ang ingay ng mga kaklase kong sabik mag-selfie. Dahil ako lang naman ang walang ginagawang matino, ako tuloy ang ginawa nilang photographer.

Hindi ko alam kung nakailang shots na sila pero mukhang hindi pa rin sila kuntento.

“Usog ka pa ro'n, Bea! Para malinaw `yong kuha sa `ming sampu!”

Napairap na lang ako sa kawalan at pikit-matang umatras nang maramdaman kong wala na palang semento sa aapakan ko kaya't muntik na akong mahulog. Sobrang bilis ng tibok ng puso ko sa mga sandaling `yon dahil mawawalan na ako ng balanse subalit sa isang iglap lang ay may humila sa kamay ko at sabay kaming bumagsak sa sahig.

Pigil ang hiningang ipinikit ko ang aking mga mata at hinintay ang paglapat ng likod ko sa malamig na semento pero ilang minuto na ang nakalipas ay wala pa rin akong nararamdaman.

“Bea, ayos ka lang?” Natauhan ako nang marinig ang baritonong boses na iyon dahilan upang unti-unti akong magmulat. Napahawak ako sa aking puso dahil mukhang dumoble ang bilis ng pintig nito lalo na nang mapagtanto ko ang posisyon naming dalawa.

Mabilis akong tumayo at lumayo sa kaniya. “O-Oo, ayos lang ako. S-Salamat.”

Nakayuko akong tumakbo palayo sa kaniya upang itago ang namumula kong pisngi dahil sa hiya. Kilig na kilig naman akong sinalubong ni Hannah.

“Kyaaah~ You two are so bagay talagaaa!” impit niyang tili habang hinahampas-hampas ako sa braso.

“Tumigil ka nga! Ang sakit na, a!”

“Ay, wait! Tignan mo `to! Pinicturan ko kayo!” At iniharap niya sa akin ang kaniyang cellphone. Pero hindi ang picture namin ni Vince ang nakuha ng atensyon ko kung `di ang pigura na nasa gilid namin—isang babaeng nanlilisik ang mga mata at umiiyak ng dugo habang may kadenang nakatali sa kaniyang leeg.

Nagkatinginan kami ni Hannah at parehas na namutla. Naramdaman ko ring nagtindigan ang mga balahibo ko sa batok dahil sa aking nakita.

Ano kayang...ibig sabihin nito?

“BEA, SAMAHAN mo nga akong umihi! Natatakot kasi ako, e!” nahihiyang sambit ni Hannah. Hindi siya makatingin nang diretso sa mga mata ko.

“Wow naman, Hannah! At ano'ng gagawin ko ro'n? Taga-baba ng pantalon mo?”

Napanguso naman ang gaga. “Sige na, Bea. Please? Ihing-ihi na talaga ako, e. Hindi ko na kayaaa!”

“Oo na, oo na! Sasamahan na kita. Tigilan mo lang `yang pagta-tantrums mo at baka ikaw ang tinidorin ko riyan!”

Nang matapos kaming kumain ay sinamahan ko siya sa gusto niyang gawin. Lumapit siya sa isang puno ng Balete at luminga-linga sa paligid bago bumaling sa akin. “Harangan mo `ko riyan, Bea. Ha? Sabihin mo agad sa `kin kapag may parating.”

Tumango lang ako at inabala ang aking sarili sa pakikinig ng music. Wala naman kasing ibang magawa sa cellphone kung `di ito lang dahil wala namang signal sa lugar na `to...kahit isa.

Abala ako sa pagtingin sa mga pictures namin dati nang mag-iba ang tugtog na naririnig ko. Hindi ko naman nilipat, a?

Naging tila isang hikbi ang tunog na palakas nang palakas. `Di kalaunan ay sinabayan na rin ng pagkalansing ng kadena na para bang hinihila. Napangiwi na lang ako dahil sa nakangingilong tunog niyon. Ang sakit sa tainga!

Gusto kong alisin ang earphone sa tainga ko pero tila nanigas ako sa aking kinatatayuan. Wala akong ibang marinig kung `di ang tunog lang na `yon. Ang kaninang hikbi ay naging iyak at ngayon ay isa nang hagulgol. Nakabibingi!

“Bea!” Natauhan lang ako nang maramdamang may nagtanggal ng earphones ko. Pagtingin ko...si Hannah. “Tara na. Tapos na ako.”

NAGISING AKO dahil sa ingay ng uwak. Tinignan ko ang oras at alas tres pa lang ng madaling araw kaya babalik pa sana ako sa pagtulog nang mapansin kong wala na si Hannah sa tabi ko. Nasaan na naman kaya ang babaeng `yon? A, baka umihi lang.

Panay ang baling ko sa higaan dahil ilang minuto na ay hindi pa rin bumabalik si Hannah. gising! Hanggang sa makarinig ako ng sigaw mula sa `di kalayuan kaya agad kong hinanap ang flashlight sa dala kong backpack at dali-daling hinanap si Hannah.

Tanging ang ingay lamang ng kuliglig at ang mahalumigmig na simoy ng hangin ang aking kasama sa babae. Pakiramdam ko ay may nakamasid sa akin at kung minsan naman ay may mabilis na dadaan sa gilid ko pero pagtingin ko, wala namang tao. Lakad-takbo na ang ginagawa ko kahit pa nanginginig na ang aking mga tuhod dahil sa takot.

“BITIWAN N'YO `KO! BITIWAN N'YO `KO!” Sinundan ko ang pinanggalingan ng boses na `yon at nakarating ako sa tent nina Mrs. Salinas. Hawak ng dalawa kong kaklase ang magkabilaang kamay ni Hannah habang may dalawa naman sa paa.

Napalunok ako. Ibang-iba ang kaibigan ko ngayon—nanlilisik ang dati niyang maamong mga mata gayundin ang pamumutla ng kaniyang buong katawan na animo'y wala nang dugo. Nakatihaya siya habang nagpupumilit kumawala sa aming mga kaklase Tumitirik ang mga mata nito at sigaw nang sigaw na papatayin niya kami. Nakakatakot ang kaniyang itsura, mukhang ano mang oras ay kakain siya ng tao.

Bakit nangyayari sa kaniya `to? Biglang sumagi sa isip ko ang ginawa niya kanina—ang pag-ihi niya sa puno ng Balete! Dahil ba roon kaya siya sinapian ng ligaw na kaluluwa?

“Ma'am, ano pong gagawin natin sa kaniya? Hindi naman po namin siya kayang hawakan lang hanggang mamaya. Hindi rin naman po natin makontak si Father.”

“Mas mabuti siguro kung itali na muna natin siya para—”

“AAAH!”

Nahigit namin ang hininga ng bawat isa. Pare-parehong hindi makapaniwala sa nangyari.

Kinagat ni Hannah ang pulso ni Zaijan. Saksi kami sa pagbaon ng matulis niyang ngipin sa balat nito habang umaagos ang dugo. Walang gumagalaw ni isa. Tila nakalimutan naming huminga at bumalik lang kami sa kamalayan nang marinig namin ang ang malalim na boses ni Hannah na para bang nanggagaling pa sa kailaliman ng lupa.

“PAPATAYIN KO KAYONG LAHAT!”

Lumapit siya sa akin at parang papel na itinapon ako sa isang sulok. 

Naramdaman kong tumama ang aking pang-upo sa malaking bato subalit hindi ko na maramdaman ang sakit niyon. Mas masakit para sa akin na nagkakaganito si Hannah.

Sinugod niya ang iba naming mga kaklase at parang wala lang na sinakal, sinabunutan, tinapon, at sinaktan niya ang mga ito. 

Ang lahat ng nangyayari ay tila nag-slow motion sa paningin ko nang makita siyang naglabas ng panaksak at handa nang itarak sa nanghihinang guro.

Kahit nanghihina ay pinilit kong tumayo. Buong lakas kong binuhat ang malaking bato sa aking tabi. Malapit na siyang makalapit sa kinaroroonan ng adviser kaya't mas binilisan ko pa. Pikit-mata kong inihampas sa kaniyang ulo ang malaking bato na hawak ko. Marahas akong napabuntong-hininga bago dumilat. Patawad, Hannah...

“MA'AM, ANO na pong gagawin natin kay Hannah? N-Napatay ko po siya. Hindi ko po sinasadya...maniwala po kayo.” Niyakap lang ako ni Mrs. Salinas habang pilit na inaalo.

“Wala kang kasalanan, Bea. Ginawa mo lang ang sa tingin mo'y tama. Maraming nasaktan sa ginawa ni Hannah kaya't imbes na makapatay pa siya ay tama lang na tinapos mo na ang kaniyang buhay upang wala nang madamay.”

Napatitig na lang ako sa aking kaibigan na kasalukuyang nakatali sa isang puno. Awang-awa ako sa kaniyang itsura. Para siyang hindi kumain ng isang linggo dahil sa pagod at gutom na nakarehistro sa kaniyang maamong mukha.

Pipikit-pikit ang mga matang nagmulat siya at nag-angat ng tingin. Nagtama ang aming mga mata at saksi ako sa kalungkutang nagmumula rito.

“B-Bea...” Nagtataka siyang napatingin sa kaniyang sarili at pagkuwa'y muli siyang bumaling sa akin. “Ano'ng ginagawa ko rito? B-Bakit ako nakatali? Bea, pakawalan mo `ko...parang awa mo na. Bea...”

“Bea, halika na! Hayaan mo na siya riyan,” tawag sa akin ni Vince. Kapansin-pansin ang benda nito sa noo dahil sa pagkakauntog sa semento nang ihagis siya ni Hannah kanina. Matapos ng nangyari ay nagpasiya na ang aming guro na pauwiin kami.

Umiling ako habang tinutuyo ang aking pisngi. “Patawarin mo `ko, Hannah. Patawarin mo `ko...”

Nagpatianod na lang ako sa paghila sa akin ni Vince patungo sa bus.

Hindi pa man kami tuluyang nakaaakyat sa bus nang makita kong napatigil si Mrs. Salinas habang nakatingin sa labas. Pigil-hininga siyang napatili. “Mang Lando!”

Nagtataka man sa kaniyang inasal ay sinundan ko rin ng tingin ang kaniyang tinitingnan at gano'n na lamang ako yanigin ng sari-saring emosyon—pagkagulantang, takot, kaba, hindi ko na mapangalanan.

Hindi ko alam kung paano nangyari pero nakawala si Hannah sa pagkakatali at mabilis na dinamba ng kalmot ang walang kalaban-labang drayber na palapit na sana rito. Maliit lang si Mang Lando kaya't nagawa niya itong kalmutin sa leeg nang walang kahirap-hirap. Inabot niya ang balisong na nasa bulsa nito at ipinaikot sa kaniyang kamay. Nakangisi siyang nakatingin sa amin, para bagang siyang-siya sa kaniyang ginawa.

“Akala n'yo siguro matatakasan ninyo ako? Puwes, hindi! Sama-sama tayong magdurusa rito sa impiyerno!”  Umalingawngaw ang malalim niyang boses sa buong eskinita. Palapit siya nang palapit sa bus namin kaya nataranta kaming lahat, lalo na si Mrs. Salinas.

Agad siyang naupo sa driver's seat at pahaharurutin na sana paalis ang sasakyan nang bigla na lamang niyang naihilamos sa sariling mukha ang mga palad. “Tangina, bakit ba kasi na kay Mang Lando `yong susi?!”

Pare-parehas kaming aligaga at tuliro at hindi malaman kung ano ang gagawin. Nakita ko namang nakalapit na si Hannah sa amin tangan pa rin ang balisong. Dahan-dahan niya itong inilapag sa sahig. Ang akala ko'y iiwan niya na ito subalit nagulat kaming lahat nang sinipa niya ito at saktong tumama sa noo ni Mrs. Salinas. Lahat kami ay napasinghap sa kaniuyang ginawa at sa sobrang takot namin ay sama-sama kaming nagsiksikan sa dulo ng bus.

“Papatayin ko kayong lahat! Magsasama-sama tayo at hindi ko hahayaang iwan ninyo akong mag-isa rito. Mamamatay kayong lahat!”

Pagkasabi niya niyon ay humangin nang malakas dahilan ng pagkabasag ng mga bintana. Napayakap na lamang kami sa aming mga sarili dahil sa nagliliparang mga basag na salamin, kahoy, yero, at kung anu-ano pa na akala mo'y may ipo-ipong dumaan. Kitang-kita ko kung paano tumama ang ibang parte ng salamin at yero sa mga kaklase ko at maski sa akin.

Ang iba ay dumiretso sa kanilang mga mata kaya imbes na luha ay dugo ang inilabas ng mga iyon. Ang iba naman ay tumama sa kanilang puso, ulo, tiyan at sa kung saan-saan pa.

Para akong nabingi, namanhid at nawala sa aking sarili dahil sa nangyayari sa paligid. Wala akong ibang magawa kung `di akapin ang aking sarili at lumuha nang tahimik.

“Tama, Hannah. Parang awa mo na...tama na!”

Umuulan na ng dugo sa paligid at kahit saan ko ibaling ang aking paningin ay ang mga tumatangis kong kaklase ang aking nakikita. Halos lahat kami ay nanginginig na sa takot.

“WALA AKONG AWA!” Bahagyang umuga ang bus dahil sa biglaan niyang pagsigaw at halos lumuwa ang mga mata dahil sa galit nang bumaling sa akin.

Napaigtad ako sa sakit nang hinila niya ang aking buhok at buong puwersang iniuntog sa upuan. Namimilipit ako sa sakit at para bang gusto ko na lang panawan ng malay. Ramdam ko ang likidong tumulo mula sa aking noo. Pagtingin ko...dugo.

Walang pasimano niya akong hinila na parang sako at mahigpit na sinakal. Nakangisi lang siya habang nakikita akong nahihirapan. Hindi na ako makahinga.

Mula sa aking peripheral view ay nakita ko si Vince na patakbong lumalapit sa amin dala ang maliit na piraso ng basag na salamin. Akmang itatarak niya ito sa likod ni Hannah nang bigla siya nitong harapin at walang anu-ano'y sinampal nang pagkalakas-lakas. Tumilapon siya at nauntog pa sa gilid ng upuan.

Nakahawak lang ako sa leeg ko habang nakaluhod sa sahig. Hinang-hina ako at kandaubo-ubo pa dahil sa higpit ng pagkakasakal sa akin ni Hannah pero biglang nawala roon ang aking atensyon nang maramdaman kong gumalaw ang bus.

Humahangin nang malakas at kung hindi pa ako kakapit sa isa sa mga upuan ay talagang matatangay ako. Napaawang na lamang ang aking mga labi nang mapansing babangga kami sa isang malaking puno ng Balete.

Mabilis ang andar ng bus kaya siguradong malakas ang magiging impact kung babangga kami roon.

Napatakip na lang ako sa aking mukha habang palapit nang palapit ang aming sinasakyan sa puno. “HUWAAAG!”

Nasaksihan ko ang malakas na pagtama nito sa Balete at ang pag-uga na para bang nawasak ang harapan. Marahas akong napagulong sa sahig ng bus, nagkauntog-untog. Nadaganan pa ako ng isa kong kaklase habang ang binti ko naman ay naipit sa ilalim ng upuan. Ang iba naman sa amin ay tumilapon sa labas dahil nga wala nang salaming nakaharang sa mga bintana. Tanging ang palahaw naming lahat ang pumuno sa bawat sulok ng bus. Bago pa ako tuluyang panawan ng malay ay namataan ko pang nag-iba ang kulay ng paligid—dugo...

Isang malaking pagkakamali talaga na namasyal pa kami sa lugar na `to. Ang lugar na iniilagan ng mga tao; ang lugar na pinamumugaran ng mga ligaw na kaluluwa—ang 8th Street.

NAPABALIKWAS AKO sa pagkakaupo nang makarinig ako nang sunod-sunod na pagkatok sa bintana kung saan ako nakaharap ngayon. Pupungas-pungas akong humarap sa epal na nambulabog ng tulog ko nang makita kong isa itong babaeng nakasuot ng itim na belo at duguan ang mukha. May tumutulo namang sariwang dugo sa hawak niyang chainsaw.

Tila nanigas ako sa aking kinauupuan nang mapagtantong ganito rin ang panaginip ko. Si Ma'am Salinas, si Mang Lando, ang mga kaklase ko, at si...Hannah. Ganoon din ang suot nila sa `king panaginip. Walang pinagkaiba...

*ang akdang ito ay lahok para sa Saranggola Blog Awards (www.sba.ph) sa kategoryang Maikling Kuwento.


1. Cutural Center of the Philippines - http://culturalcenter.gov.ph


2. Device Philippines - http://device.ph




Linggo, Setyembre 24, 2017

Ganito Kami Noon, Wala Nang Ganito Ngayon




May mga bagay talagang magbabago kahit hindi natin naisin—maaaring makabubuti o makasasama, depende sa ating paniniwala at sa kung paano natin ito yayakapin. Ang Pilipinas ay isa lamang maliit na bansa ngunit tunay nga namang malaki ang pinagbago nito kumpara sa mga nakalipas na taon. Parang ikaw. Kung dati tanga ka lang, ngayon mas tanga ka na!

Para bang napakaiksi lang ng panahon at sariwang-sariwa pa sa ating mga alaala ang mga nangyari at nakaugalian noon na ngayon ay hindi na natin makita. Parang dati lang, binibilog mo pa `yong kulangot mo sabay pitik papunta sa bibig ng kaklase mong nakanganga habang natutulog, ngayon ay tao na ang binibilog mo.

Subukan mong pagmasdan ang iyong dinaraanan. Hindi ba’t usok at maitim na hangin ang humahampas sa `yong mukha? Tipong mapapatakip ka na lang talaga ng ilong dahil sa nakasusulasok na amoy. Subukan mo namang lumingon sa kaliwa mo—may mga magkasintahang naglilingkisan. Try mo namang lumingon sa kanan mo—nagkalat ang mga basura, tae ng pusa, patay na daga, at pati brip ng ex-boyfriend mo. Iyan ay ilan lamang sa mga malalaking pagbabago na nararanasan natin sa kasalukuyan. Narito ang ilan pa sa mga kaibahan ng Pilipinas noon at ngayon.


1. NOON: Uso ang outdoor games tulad ng Patintero, Tagu-Taguan, Agawan-Base, Sipa, Sepak Takraw, Tumbang Preso, Luksong Tinik, Luksong Bakla—este Luksong Baka, Bahay-Bahayan, Habul-Habulan, Teks, Garter, at kung anu-ano pa. ‘Yung tipong kahit madapa ka pa, matapilok, at masubsob sa kumunoy, ayos lang, huwag ka lang mataya. Tapos kapag biglang umulan, guguhit ka lang sa lupa ng araw na nakangiti at voila! Titigil na ‘yung ulan. Uso rin dati ‘yung mga recreational activities tulad ng Chess, Sungka, Billiard, Dama, at Pool. Kaya maraming bata ang malusog noon at walang masyadong sakitin.
NGAYON: Pag-ibig na ang pinaglalaruan. Uso pa rin Bahay-Bahayan, sa totoong buhay nga lang. Sa ngayon, hindi na uso ang outdoor games dahil online games na ang nilalaro ng mga kabataan. Tulad ng League of Legends, DOTA, Crossfire, GTA, Tetris, at kung anu-ano pa. Kaya sa panahon ngayon, hindi na nakapagtataka na mas lalong dumarami ang bilang ng mga kabataang lumalabo ang mata at humihina ang resistensya. Karamihan pa sa mga bata ngayon ay malnourished. ‘Yung tipong kalahating ubo na lang, bibigay na.

2. NOON: Uso ang love letters. Tipong kahit mala-doktor ang handwriting mo, wala kang ibang choice dahil iyon lang ang tanging paraan para makipag-communicate sa nililigawan mo. Madalas nakasulat stationery.
NGAYON: Isang text/tawag/chat na lang ang panliligaw. Hindi mo na kailangan lumabas ng bahay n’yo para lang mag-effort na bumili ng stationery o greeting card para lang magpa-impress sa nililigawan mo. Ang lahat ng gusto mong sabihin ay isang pindot na lang! At wala pang isang minuto, kayo na? Congrats! Napatibok mo ang keyboard! At love letters? Bilang na lang ang mga gumagawa niyan dahil ngayon, long sweet message na ang uso sa Facebook. Tipong ipinagsisigawan n’yo pa sa buong mundo na 1st Weeksary n’yo ngayon at ‘yung message mo pa sa kasintahan mo ay parang huling araw mo na sa mundong ibabaw. Tapos bawat sentence mo pa, may sandakdamak na emojis. Tipong halos lahat ng emoji ay ginamit mo na. Sa last sentence mo naman, may tagline ka pa na: “Tayo ang magpapatunay sa forever na pinagtatalunan ng marami, Dhie! *insert twenty emojis* Harthart. *insert all emojis*” Susundan mo pa `yan ng: “#mHiE&dHiE21f0rEvs #bEnTeUn0 #WaLangTitibagAngTumibagMabubuwag #iCkU4wLhU4rnSxZh4fP4TnUah”. Nagtataka lang ako, bakit ‘mhie/dhie' ang endearment n’yo? Hindi pa nga kayo tinutubuan ng pubic hair pero mag-asawa na ang tawagan n’yo?!


3. NOON: Nauso ‘yung Walkman at Cassette tape. ‘Yung Walkman ay kasing-liit lang ng iPad at ginagamitan din ng earphones bilang antenna. Hindi iyon katulad ng MP3 na puwede kang mag-store ng up to 100 songs dahil ang Walkman ay pang-radyo lang at tanging AM at FM lang ang mapakikinggan mo. Ang cassette tape naman ay ‘yung kudrado na may dalawang butas at mayro’ng itim na film sa loob. Iisang singer lang din ang mapakikinggan mo sa kada isang cassette tape.
NGAYON: Naimbento na ang MP3, MP4, MP5, iPad, Cellphone, SD Card, USB at kung anu-ano pang gadgets kung saan maaari kang mag-store ng 100 songs and above na mula pa sa magkakaibang singers. Ang good news? Hindi lang MP3 ang puwede mong i-download, pati rin videos. 

Halos ganito lang ang itsura

4. NOON: Uso ang payphone. Kahit nga saan ka yata magpunta, may makikita kang gano’n. ‘Yung tipong `pag nagpunta ka sa restaurant, ospital, park at kung saan-saan pa ay ito kaagad ang una mong hahanapin. Nakakabit ito sa isang poste na may maliit na pinto at kulay silver. Bukod sa PNR, ito ang madalas pilahan dati.
NGAYON: Kapag nagpunta ka sa isang restaurant, ospital, park, o kahit naglalakad ka lang sa kalsada ay WiFi agad ang una mong hahanapin. Iyon bang pupunta ka pa sa Luneta Park para lang mag-WiFi. Tapos magagalit ka pa kapag sobrang bagal ng internet, tipong mas mabilis pa ‘yung free data kaysa sa free wifi! Asa ka pang mabilis `yan, e ‘yung traffic nga sa EDSA, hindi na masolusyonan ng gobyerno, iyang WiFi pa kaya? 

5. NOON: Isa sa kulturang Pinoy dati, e ‘yung kapag nanliligaw ang isang lalaki, kailangan niyang pumunta sa bahay ng nililigawan niya. Mag-eeffort pa `yang magbihis, magpabango at magdala ng sangkaterbang lakas ng loob. May dala pa `yang bulaklak, chocolate, teddy bear, love letter, at kung anu-ano pang panuhol. May iba naman na makapal ang mukha at sarili lang ang dala. At may iba rin naman na naghahakot pa ng isang buong barangay para lang mangharana.
NGAYON: Mas marami pa sa patay mong kuko ang bilang ng mga lalaking mag-eeffort ng ganiyan para lang sa nililigawan nila. Sa panahon ngayon, “instant” na ang pagkakaroon ng kasintahan. Tipong ngayon lang kayo nagkakilala, pero after one minute, kayo na agad. Lilipas pa ulit ang isang minuto, nakahubo na kayong dalawa. ‘Yung tipong pumasok kayo sa isang kuwarto nang kayong dalawa lang pero paglabas n’yo, tatlo na kayo.

6. NOON: Tinitilian ng mga kababaihan ang iba’t ibang boy bands. Tulad ng NSync, Backstreet Boys, A1, at Westlife. Hindi lang dahil sa guwapo sila, kung `di dahil na rin sa ganda ng mga kanta nila. ‘Yung tipong cool ang beat, may sense ang mga kanta, at tama lang ang tempo.
NGAYON: Kung dati guwapo ang tinitilian, ngayon, pati guwapo tumitili na rin! Bukod diyan, laos na rin ang mga boy bands dahil ang uso na ngayon ay ang KPop, One Direction, si Taylor Swift, Justin Bieber at Ed Sheeran. Hindi na rin masyadong uso ang mga kantang katulad ng This I Promise You ng NSync dahil ang uso na sa mga kabataan ngayon ay `yong mga pang-emo at rap na kanta. Tulad ng Kriminal, Tatlong Bibe, We Don’t Die We Multiply at kung anu-ano pang ka-jeje-han na madalas mong maririnig kapag lagi kang laman ng mga piso-net.

7. NOON: Comedy ang main genre ng karamihan sa mga palabas—sa TV man o sa sine. Kahit nga ‘yung mga horror at action na palabas ay sinasamahan pa ng comedy. ‘Yung tipo ng mga palabas na `pag napanood mo, e talagang mahuhulog ang pustiso mo sa katatawa. Madalas pinagbibidahan ng Tito, Vic, and Joey, ni Redford White, Dolphy, at kung sino-sino pang mga komikero. Nandiyan din ‘yung mga educational na palabas tulad ng Sine Eskwela, Batibot, Math-inik, Mga Kuwento Ko—este Mga Kuwento Ni Lola Basyang at kung anu-ano pa. ‘Yung tipong kahit nasa bahay ka lang, may matututunan ka kahit papa’no.
NGAYON: Puro rated PG at SPG na ang mga palabas. Tipong may sampalan, sabunutan, sapakan, at “chukchakan” scene ‘yung mga karakter. Wala nang masyadong comedy ‘yung mga pinalalabas sa TV at/o sine dahil ang madalas na main genre ay teen fiction. ‘Yun bang kahit horror ‘yung palabas at nasa gitna ng masukal na kagubatan ‘yung mga karakter, e nagawa pang magsabihan ng ‘i love you’ at magyakapan. Wala na rin ‘yung mga educational TV shows, maski ‘yung mga kinalakhan nating anime.

8. NOON: Proud ang mga Pilipino sa likas at taglay nating kulay kayumanggi at kulot na buhok.
NGAYON: Marami nang nagnanais pumuti kaya kahit mahal ang Glutathione, pinagkakagastusan ito ng mga Pilipino. Bukod diyan, marami na ring mga Pilipino ang nagpapa-straight/nagpapa-rebond ng buhok. Tipong kahit wala nang makain, e nagagawa pang gumastos ng pang-salon at pambiling keratin.

9. NOON: Pilit na ikinukubli ng mga kalalakihan ang pagiging bading.
NGAYON: Mas lalo nang dumarami ang populasyon nila and as early as 8 years old, naglaladlad na.

10. NOON: Paglalaro ng saranggola, pagtirador ng ibon, at paghuli sa mga tutubi ang madalas pinagkakaabalahan ng mga bata.
NGAYON: Sa murang edad ay apoy na ang pinaglalaruan at ibang klaseng “ibon” na ang tini(tira)dor. Mas nauna pang matutunan kung pa’no magpatanggal ng bra sa boyfriend kaysa sa kung paano magsaing.

11. NOON: Kaugalian na sa mga Pilipino ang paggalang sa mga matatanda, ang paggamit ng po at opo, at ang pagmamano.
NGAYON: Tila wala na sa ugali ng mga kabataan ang paggalang at hindi pa sanay kapag gumagamit ng po at opo at kapag magmamano. Kung tutuusin, mas sanay pa silang bigkasin ang mga mura at salitang kanto.

12. NOON: Ang paglalagay ng tattoo ay iniuugnay lamang sa mga preso at/o ex-convict.
NGAYON: Kahit sino ay maaari nang magpa-tattoo—kahit saang parte ng katawan at kahit ano’ng design. Kahit magpa-tattoo ka pa ng dyoga sa noo mo, wala kaming paki. Itinuturing na kasi itong form of art ngayon. At dahil masyado nang maunlad ang teknolohiya, puwede ka na ring magpa-tattoo sa mata. Pero kung gusto mong maging “unique” sa lahat, magpa-tattoo ka sa puson mo at ang ipalagay mo ay: “Come in. I’m open!”.

13. NOON: Ang virginity ay isang malaking isyu sa mga kababaihan. Tipong ang gusto nilang pag-alayan nito ay ‘yung asawa nila at ibibigay lang nila pagkatapos na pagkatapos ng kasal.
NGAYON: Kung kani-kanino na lang ito ibinibigay. Isang kalabit lang, bibigay na. Pangkaraniwan na lang din sa ngayon ang premarital sex at one night stand. Tipong kahit nasaan ang magkasintahan basta’t inabutan ng init ng katawan, hahanap at hahanap talaga ng mapagpupuwestuhan. Madalas na biktima rito ay ‘yung mga tricycle at jeep na walang pinto. Magugulat ka na lang sa hatinggabi, biglang yumuyugyog ‘yung jeep. Teka, baka may nagzu-zumba sa loob?

14. NOON: Conservative ang mga Pinoy. Lalong-lalo na ang mga kababaihan. Halos karamihan ay mahahabang pang-ibaba ang isinusuot. Tinagurian pang Maria Clara.
NGAYON: Liberated na ang mga kabataan ngayon. Paiklian at panipisan na ng telang isinusuot. Ang kalalakihan ay malalakas na ang loob maghubad-baro sa harap ng mga kababaihan. Ang mga kababaihan naman, wala lang pakialam kahit makita na ang kasingit-singitan at kahit naghe-hello to the world na ang cleavage nila. Tapos `pag sinitsitan at/o binastos naman sila ng mga mukhang adik, magagalit. Pero kapag guwapo ang sumitsit, kikiligin. Ang itim na nga ng kuyukot, choosy pa! Hindi na rin uso si Maria Clara dahil ibang Maria na ang uso ngayon—ikaw na ang bahalang mag-isip kung sino.

15. NOON: Library, Recto, at makakapal na mukha—este makakapal na encyclopedia ang pangunahing pinagkukunan ng mga impormasyon para sa assignment, term at research papers.
NGAYON: Google, Wikipedia, Bing, at iba pang search engines ang katapat ng patong-patong mong homeworks. Mas madali pa nga dahil ilang hakbang lang mula sa school n’yo ay may piso-net ka nang makakasagupa. Pero ang totoo, mas mahaba pa ang oras ng pagpi-Facebook mo kaysa sa pagre-research. Saludo na talaga ako sa galing mong mag-copy-paste. How to be u po?

16. NOON: Pinahahalagahan nang husto ang privacy ng mga tao.
NGAYON: Bawat kilos ay ipino-post kaagad sa social media—Facebook, Instagram, Twitter, at iba pang online journals. Tipong pupunta kayo sa restaurant at hindi ka pa nakakapasok ay magpapapicture ka na. Tapos pagpasok mo sa loob, magpapa-picture ka pa ulit, pati ba naman ‘yung pag-upo mo ay pakukuhanan mo pa talaga! At hindi ka pa nakuntento, kung ano pang makita mong puwedeng picture-an sa loob ay pi-picture-an mo rin. Wow, ha! Pati ‘yung in-order mong isang basong tubig at ‘yung tissue na hiningi mo sa waiter ay hindi mo pa talaga pinalagpas! Tapos kapag naubos na ‘yung tubig na in-order mo, papasok ka pa ng CR at doon ka naman maghahasik ng lagim. Todo-pose ka pa sa harap ng salamin para lang ibalandra ‘yung OOTD mo. Ang sarap mong i-flash sa inidoro! Kulang na lang, pati ‘yung paghinga mo ay picture-an mo na rin. At kung hindi ka ba naman talaga makapal, magtatanong ka pa sa waiter kung ano’ng password ng WiFi nila para lang ma-post mo `yang mga ka-abnormal-an mo sa social media. May pa-caption ka pang: “Atm. @PaFameRestoangsarapmongkutusansagumsmgabente jejeje!!! #SeLfieLordSxZc #mErYeNdaLhUanGsZx #g0od_aFtiE...”. S’yempre, maghihintay ka pang i-like ‘yun ng mga arabo mong friends at hihintayin mo pang mag-comment ‘yung mga kaklase mo ng: “Wow! Rich kid!”, kahit ang totoo, wala ka namang ibang in-order kung `di ‘yung isang basong tubig lang na feelingera ka!

Tunay ngang malaki na ang pinagkaiba ng noon at ngayon. Dahil sa pag-usbong ng mga makabagong teknolohiya at paglago ng mga bagong kaalaman tungkol sa siyensiya, medisina, at ideolohiya ay mas gumagaan na ang buhay ng mga tao. Subalit kasabay ng mga pagbabagong ito ay ang paglaganap ng kriminalidad at iba’t ibang sakit sa bansa. Sa ganitong panahon ay wala nang lugar ang katangahan at katamaran. Kung hindi ka magsisikap, hindi ka uunlad. At kung mananatili kang tanga, mapapariwara ka. Sabi nga nila, walang permanente sa mundo kung `di ang pagbabago. Nasa sa `yo na lang kung paano ka makikisabay sa agos.

**Ang alimnman sa mga larawang ginamit ay hindi sa akin at kinuha lamang sa Google. CTTO.

Sugpuin Ang Paglaganap Ng Fake News

Habang lumilipas ang panahon ay mas dumarami ang bilang ng mga Pilipinong gumagamit ng internet at social media. Sa bilis ng daloy ng m...