Habang lumilipas ang panahon ay mas dumarami ang bilang ng mga Pilipinong gumagamit ng internet at social media. Sa bilis ng daloy ng mga impormasyong ating nababasa, may paraan pa ba upang malaman kung tama at totoo ang mga ito?
Ayon sa Veritas 846, noong 2016 ay tinatayang mahigit 54 milyong Pilipino (o kalahati ng ating populasyon) ang gumagamit ng internet. Tunay ngang naging parte na ng ating pang-araw-araw na buhay ang internet at social media dahil mapa-bata man o matanda ay maaaring gumamit—kahit saan, kahit kailan.
Hindi na nga maikakaila ang lawak ng sakop ng internet, lalo na't maaaring maging tulay ang mga social media platforms tulad ng Facebook at Twitter upang madaling maipakalat ang mga impormasyon at balita. At ang “fake news” ang pinakamagandang halimbawa nito. Fake news ang tawag sa mga balitang gawa-gawa lamang at ipinakakalat sa internet ng mga tinatawag na “trolls”. Ngunit paano nga ba mapipigilan ang patuloy na pagkalat ng mga nasabing fake news?
Narito ang ilan sa mga hakbang na dapat tandaan upang kilalanin ang fake news:
Una, i-check ang source kung reliable.
Maging mapanuri. Kung ang pinanggalingan ng balita at/o impormasyon ay isang paskil lamang mula sa isang tao, pahina sa Facebook, at Twitter, tignan kung “reliable” ba ang source na kaniyang pinagkunan. Dahil hindi lahat ng source ay may mapagkakatiwalaang balita. Kung website naman, siguruhing hindi maaaring i-edit basta-basta ng kahit na sino ang mga impormasyong nakasaad doon.
Pangalawa, tignan sa source kung tama ba ang nabasang balita.
Huwag agad maniniwala sa iyong nabasa. Kailangan mong patunayan sa iyong sarili na totoo ang nakasaad sa balitang iyong nakalap. At kung sakali mang mapatunayan mong peke ang balita, mas makakabuting wag na itong ikalat.
At panghuli, maging responsable sa paggamit ng social media.
Bago tayo mag-share o mag-like ng nababasa natin sa Facebook, alamin muna natin kung saan nagmula ang mga ito. Sabi nga sa isang palabas, “think before you click”. Kung hindi tayo mag-iingat ay siguradong magiging tulay tayo sa pagpapakalat ng kasinungalingan at hindi lamang tayo ang mapapahamak, kung `di pati na rin ang mga taong makababasa ng maling balitang ating ipinakalat.
Hindi natin masisisi ang trolls sa pagpapalaganap ng mapanira at mapanlinlang na impormasyon laban sa ibang tao—lalo na sa mga kandidato dahil ang pagkilos ay nasa ating mga kamay. Kung magiging matalino at responsable tayo sa paggamit ng social media, tiyak na masusugpo natin ang pagkalat ng fake news.
**ang blog post na ito ay lahok para sa Saranggola Blog Awards (www.sba.ph) sa Espesyal na Kategorya.
- Cutural Center of the Philippines - http://culturalcenter.gov.ph
- Device Philippines - http://device.ph
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento